MANILA, Philippines — Nais na lamang ng Commission on Elections (Comelec) na rumenta ng mga ‘vote counting machines (VCMs)’ kaysa bumili upang mapagkasya ang kanilang pondo.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, bukod sa kakulangan sa pondo na inilalaan sa kanila ng Kongreso, isang konsiderasyon din nila sa pagrenta na lamang ay ang mabilis na pagbabago at pagtaas ng teknolohiya.
“Kasi pag bumili tayo tapos after isang gamit ay may bago na namang teknolohiya — parang cellphone, e ‘di ang mangyayari dun ibabalewala mo. Masyadong magastos,” paliwanag ni Garcia.
Nitong nakaraang halalan ay nasa 1,867 VCMs ang nakaharap sa iba’t ibang uri ng problema na nagresulta sa pagkakaantala ng dire-diretsong botohan at mabahang pila hanggang sa magsasara na lamang ang mga ‘voting precincts’.
Nasa 900 depektibong VCM naman ang naitala; 200 sa mga ito ay agad na napalitan ng araw ng eleksyon.
Sinabi naman ni Comelec acting spokesman John Rex Laudiangco, sobrang luma na ang mga makina na nasa siyam na taon na mula nang mabili ang mga ito.
Pinasaringan ni Garcia ang Kongreso sa pagbibigay sa kanila ng mababang pondo kumpara sa kanilang hinihingi para sa mas mataas na teknolohiyang halalan.