MANILA, Philippines — Naging mainit ang pagtanggap ng malaking grupo ng Muslim community sa Quiapo, Maynila sa “UniTeam” at inendorso sina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Davao City Mayor Inday Sara Duterte para sa presidential at vice presidential elections sa darating na Mayo 9.
Kasunod ito sa pagbisita ni Duterte sa Manila Golden Mosque and Cultural Center sa Globo de Oro Street, Quiapo, Manila kahapon.
Sinalubong naman ang grupo ni Duterte ni Golden Mosque Administrator Sultan Omar Umbaya at inendorso ang kandidatura ng BBM-Sara tandem at buong UniTeam party.
“Panalong-panalo na tayo ang UniTeam,” pahayag ni Umbaya na sinabing solido ang kanilang samahan sa tambalang Marcos-Duterte.
Si Sara ay nagsuot ng Hijab sa pagharap nito sa mga tao sa nasabing Muslim community na ikinampanya ang tandem nila ni BBM.
Isa sa mga dumalo sa pagtitipon ay si Monirah Ali, 43, taga-Marawi City na pinasalamatan si Inday Sara sa “Kalilintad 911” project sa Davao City. Ang nasabing proyekto ay tumulong sa mga kapatid na Muslim na lumikas sa Marawi siege noong 2017 patungong Davao City.
Samantala, nanawagan ang balik Islam na si senatorial aspirant Robin Padilla sa komunidad ng mga Muslim na maglagay ng isang Muslim na senador.