MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 10, 2021 ang batas na magbabawal sa pagpapakasal ng mga bata sa Pilipinas.
Inilabas kahapon ng Malacañang ang kopya ng Republic Act 11596 na may titulong “An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties for Violations Thereof.”
Nakasaad sa batas na hindi maaaring ikasal ang sinuman na wala pang 18 taong gulang sa civil o alinmang proseso sa simbahan kabilang sa mga kinikilalang tradisyonal o kultural na paraan.
Kabilang sa ipinagbabawal ang impormal na pagsasama sa pagitan ng dalawang bata o sa pagitan ng isang matanda at bata.
Papatawan ng multang nasa P40,000 at kulong na hanggang 12 taon ang mga magkakasal o solemnizing officers, magulang, guardians at mga matatanda na magsusulong ng fixed, facilitated o arranged child marriage.