MANILA, Philippines — Matapos suspendihin ng Department of Tourism (DOT) ang accreditation kaugnay sa pagtakas ng tinaguriang “Poblacion Girl” na nakahawa ng virus ay ipinasara ng Makati City government ang Berjaya Hotel.
Isinilbi kahapon ang closure order ng mga tauhan ng Business Permits and Licensing Office (BPLO), na ayon sa city legal officer na si Atty. Don Camiña, at pinamulta din ng DOT ng P13,200, bukod sa tatlong buwang suspensiyon sa accreditation nito.
Batay na rin aniya ang pagpapasara sa guidelines ng gobyerno na ang DOT-accredited hotels lamang ang pinapayagang mag-operate sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Pumalag naman ang pamunuan ng Berjaya Hotel sa aksiyon ng Makati City gov’t sa pagsasabing walang basehan ang pagpapasara ng kanilang hotel.
Paliwanag ng hotel, hindi pa pinal ang desisyon dahil may 15-araw nang ibinigay sa kanila para umapela.
Bukod sa hindi pa umano epektibo ang suspension order, walang batas na nagpaparusa sa isang hotel na natakasan ng guest na naka-quarantine.