MANILA, Philippines — Inihayag ng isang adviser ng National Task Force (NTF) against coronavirus disease (COVID-19) na nakamit na ng National Capital Region (NCR) at walong iba pang probinsiya ang herd immunity.
“Well, ang herd immunity actually na-attain na natin sa specific areas na tinarget natin, iyong focused areas natin iyong NCR + 8,” ani Dr. Ted Herbosa sa Laging Handa public briefing.
Ang NCR plus eight ay kinabibilangan ng NCR, Bulacan, Pampanga, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City, at Davao City.
Ipinaliwanag ni Herbosa na sa NCR ay lumampas na sa 90% ang kumpleto na ang bakuna at 100% naman ang nakatanggap na ng unang dose.
Idinagdag ni Herbosa na may mga lugar pa rin na 40% pa lamang ang kumpleto na ang bakuna pero madadagdagan ito sa gagawing bakunahan sa Disyembre. 15, 16 at 17.
Idinagdag din ni Herbosa na nasa 300 kaso bawat araw na lang ang naitatala at maraming ospital na rin ang zero o walang naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Ang banta na lang aniya ay ang Omicron kaya kailangang makumpleto ang dalawang dose ng bakuna at maging ang booster dose para protektado ang lahat sakaling makapasok ang nasabing variant.