MANILA, Philippines — Dahil sa walang nabuong desisyon ang 17 mayor ng Metro Manila kaya’t mananatili pa rin ang isinasaad sa Alert Level 2 kung saan pwedeng pumasok ang mga menor de edad sa malls sa National Capital Region (NCR).
Kaya naman ay ibinalik ng Metro Manila Council (MMC) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagbuo ng guidelines sa mobility restrictions ng mga batang mas mababa sa 12-anyos.
Ito ang naging paliwanag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Benhur Abalos para hindi muna magkaroon ng kalituhan habang pinag-uusapan pa ang isyu.
Masyado umanong sensitibo ang usapin at mas karapat-dapat na ang IATF ang magpasiya dahil kinakailangan ang ‘scientific’ at ‘empirical data’ maging ang mga health, epidemiological at pediatric experts.
Ipinakita rin ni Abalos ang MMC-MMDA Resolution No. 21-29 na nag-eendorso sa IATF sa nasabing isyu.