MANILA, Philippines — Umaabot sa 17,932 informal settlers families (ISFs) ang nabiyayaan ng disenteng tirahan sa ilalim ng ‘socialized housing program’ ng pamahalaang lungsod ng Quezon City sa unang tatlong taon pa lamang ng panunungkulan ni Mayor Joy Belmonte.
Sa isinagawang ‘turn-over’ ceremony ng bagong tayo na three-storey row houses sa may Sitio Sto. Cristo sa may Barangay Balingasa,sinabi ni Ramon Asper, hepe ng Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD) na 45 pamilya ng ISF ang nabigyan ng maayos na tirahan na may sukat na 21 square meter (sq.m.) at nagkakahalaga lamang ng P450,000 na maaaring bayaran sa loob ng 25 taon.
Bukod pa ito sa naunang 48 na pamilya na nabigyan ng tirahan sa katabing ‘row houses’ na naitayo na ng dating administrasyon sa 2,632 sq.m. na lupang ibinenta ni Estrella Cruz Pangilinan sa pamahalaang lokal. Sakaling makumpleto ang pagtatayo ng 12-storey building, mayroon itong 315 socialized housing unit, na hahatiin sa iba’t ibang sukat gaya ng 216 units na 28 sq.m.; 51 units na 30 sq. m.; 32 units na 34 sq. m. at 16 units na 35 sq.m. ang laki.