MANILA, Philippines — Kung mananalo sa 2022 elections bilang Presidente si Senador Panfilo Lacson na standard bearer ng Partido Reporma at Bise Presidente naman si Senador Tito Sotto ay kanilang tiniyak na tatapusin nila ang maliligayang araw ng tinatawag na ninja cops at ang walang humpay na extrajudicial killings.
Ang ninja cops ay ang mga tiwaling miyembro ng Philippine National Police na nagre-recycle ng mga ilegal na droga na nakukumpiska sa mga drug operation at saka ito muling ibinebenta sa merkado.
Sa isang survey ng Social Weather Station noong 2020, sinasabi na 78 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwala na merong mga “ninja cops”.
Ayon kay Lacson, may pagkakamali sa istratehiya sa paglaban sa ilegal na droga kung kaya’t namayagpag ang mga scalawag sa hanay ng kapulisan.
Anya, dapat mai-adjust ang strategy ng pamahalaan sa paglaban sa ilegal na droga na dapat ay sumentro sa prevention at rehabilitation.
Iginiit rin ni Lacson na dapat mawakasan na rin ang walang humpay na extrajudicial killings na nagdulot ng kaliwa’t kanang kaso ng crimes against humanity sa International Criminal Court na isinampa laban kay Pangulong Duterte at ilan pa niyang mga opisyal.
Naniniwala si Lacson na dumami ang EJK cases dahil tila “napakawalan” ang kapulisan habang isinusulong ang drug war.