MANILA, Philippines — Tinutulak ngayon ni House Deputy Speaker at 1Pacman Party-list Rep. Mikee Romero ang pagbubukas ng todo ng mga negosyo sa National Capital Region (NCR).
Hinimok nito ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na payagan nang buksan ang mga negosyo at establisimyento sa Metro Manila sa mga fully vaccinated na mamamayan.
“Ngayon ay nasa higit ng 80% na ang mga bakunado na indibiduwal sa NCR, we need now to open our domestic economy to its full scale,” pahayag ni Romero na kilala sa pagiging matagumpay sa larangan ng negosyo.
Sinabi rin nito na maaring ihalintulad o gawin modelo ng IATF ang Estados Unidos.
“Back-to-normal life is now possible. Ganito ang ginagawa ng US ngayon at malaki ang magiging tulong nito sa ekonomiya sa bansa,” paliwanag nito.
Ayon sa IATF, sa talaan noong Oktubre 28, nasa 9,374,416 milyon na indibwal o 95.89% na ng populasyon sa NCR ang nakatanggap ng first dose ng COVID-19 vaccine at 8,498,986 o 86.9% naman ang bakunado na.
“Ang vaccination cards ang magiging tila passport ng mga fully vaccinated na tao para makapasok sa mga establisimyento. At tulad sa US, ipatupad din ang ‘No vaccination card, no entry’,” pagtatapos ni Romero.