MANILA, Philippines — Alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation Secretary Art Tugade ay suspendido pa rin ang mandatory inspection ng motor vehicles sa private motor vehicle inspection centers (PMVICs).
Ito ang nilinaw ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Edgar Galvante kasabay na hindi ipinag-utos sa PMVICs na ihinto ang kanilang operasyon.
Mayroon aniyang opsyon ang mga motor vehicle owner kung sa PMVIC o private emission testing center (PETC) ipapasuri ang kanilang sasakyan para sa roadworthiness at pagsunod sa Clean Air Act.
“Ang na-suspend lamang ay iyong mandatory inspection sa PMVICs, at implementation ng GAORs.
Ibig sabihin, sa mga lugar kung saan may mga PMVIC, malaya pa ring makapamimili ang tao kung sa PMVIC o PETC magpapa-inspect ng sasakyan bago magpa-rehistro,” ani Galvante.
Matatandaang naglabas ng kautusan si Tugade noong Agosto sa lahat ng regional office ng LTO na suspindehin ang mandatory inspection and testing ng mga sasakyan sa PMVICs.
Ipinag-utos din ng kalihim ang suspensyon ng mandatory vehicle testing sa geographic areas of responsibility (GAORs).