MANILA, Philippines — “Ayaw ko ho ng increase ng mga ng jeep pagkat ang tatamaan ho diyan ay ‘yung nakakarami.”
Ito ang naging tugon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade sa inihihirit na P3 taas-pasahe ng mga transport group bunsod na rin ng tumataas na presyo ng langis.
Giit niya, mas mainam na humanap ng iba pang paraan para maayudahan ang mga naghihirap na jeepney drivers sa pandemya.
Sa kabilang banda, nilinaw niya na hindi naman siya nakikipag-away sa mga tsuper, pero iniisip niya lang umano ang kapakanan ng nakararami.
Kahapon ay isinampa ng iba’t ibang jeepney organization ang petisyon na maitaas sa provisional P3 ang singil sa minimum pasahe sa mga pampasaherong jeep sa bansa.
Sa ngayon ay P9 ang minimum fare at kapag pinayagan ng LTFRB ang fare increase ay magiging P12 na ang singil sa pasahe sa jeep. - Angie dela Cruz