MANILA, Philippines — Umabot na sa 98.39% ang naipapamigay na ayuda sa mga enhanced community quarantine (ECQ) beneficiaries sa Metro Manila.
Ito ang iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año nang ipamahagi ng mga local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) ang may P11,075,148,000 para sa may 11,075,148 benepisyaryo.
Halos karamihan naman sa mga LGUs ay naka-100% completion na sa kanilang distribusyon.
Matatandaang una nang namahagi ang pamahalaan ng tig-P1,000 o P4,000 maximum na tulong pinansiyal para sa mga low-income individuals na apektado ng ECQ na ipinairal sa Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20.
Bilang bahagi ito nang pagsusumikap ng pamahalaan na mapabagal ang pagkalat ng COVID-19, partikular na ang Delta variant nito.
Agosto 11 naman nang sabay-sabay na simulan ng mga LGUs ang pamamahagi ng naturang ayuda sa kanilang mga constituents.