MANILA, Philippines — Pumalag ang Quezon City government sa bago na namang mapanirang report kaugnay sa ipinamahaging food packs noong nakalipas na Disyembre sa lungsod.
Sinabi ni Atty . Orlando Paolo Casimiro, head ng Legal Department ng QC, naglabasan na naman ang mga walang katotohanang alegasyon ng mga mapanirang grupo na matapos ang unang pekeng pasabog, ngayon naman ay overpriced food packs-kuno na ginagawan ng kwento.
“Malapit na talaga ang eleksyon, kaya naman may ilang indibiduwal ang naging gawi na ang pagpapakalat ng maling mga balita laban sa pamahalaang lungsod para lamang sa kanilang political agenda,” dagdag pa ni Casimiro.
Ayon kay Casimiro, tulad ng dati nilang drama ay may bitbit silang purchase order na pinirmahan noong nakaraang December 2020, para kunwari may resibo yung mga paratang nila.
“Sa opisyal at orihinal na PO, mayroon pong 12 line items pero 9 lang ang pinakita nila. Hindi nila sinama ang mga presyo ng packaging, labor, repacking, delivery, warehousing, at mga buwis na babayaran ng supplier. Halatang-halata ang malisya sa sadyang pagtanggal nila nitong mga bagay na ito,” wika ni Atty. Casimiro.
Idinagdag pa ni Atty.Casimiro na ang administrasyon sa lungsod ang unang nabigyan ng karangalan dahil sa istriktong pagsunod sa mga polisiya at sa kultura ng maayos na pamamalakad.