2 karnaper naaresto sa tulong ng GPS
MANILA, Philippines — Dalawang lalaki na nagnakaw ng isang motorsiklo na ginamit nila sa panghoholdap sa isang convenience store sa Pasig City, kamakalawa ang naaresto sa tulong ng global positioning system (GPS).
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Bedana Sarabia, 31, delivery boy at residente ng 35 R. Hernandez St., Brgy. San Joaquin, Pasig City at Marvin Bernardo, 31, ng 23 Tanangko St., Brgy. Buting, Pasig City.
Nakatakas at pinaghahanap pa ng mga otoridad ang kasabwat nilang si Frank Gerald Castro, 26, ng Brgy. Pinagbuhatan.
Sa ulat ng pulisya, alas-11:00 ng umaga nang maaresto ang mga suspek sa tahanan ni Bedana sa Brgy. San Joaquin.
Nabatid na tinangay ng mga suspek ang isang motorsiklo na pagmamay-ari ng isang complainant na tumanggi nang magpabanggit ng pangalan, at saka ginamit ito upang mangholdap ng isang convenience store sa M. Concepcion St., Brgy. Buting, alas-3:25 ng madaling araw.
Tumulong ang mga tauhan ng anti-carnapping group dahil ang motorsiklo umanong ginamit sa panghoholdap ay mayroong nakalagay na GPS kaya’t natunton ang bahay ni Bedana.
Narekober din ng mga pulis mula sa mga suspek ang tatlo pang motorsiklong pawang kinarnap din ng mga ito.
Ang mga suspek ay positibo rin namang kinilala ng cashier ng convenience store na siyang nangholdap sa kanila.
- Latest