Lambda variant pasok na sa Pinas

MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na ang Pilipinas ng unang kaso ng COVID-19 Lambda variant.

Sa ulat ng DOH, University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng University of the Phi­lippines - National Institutes of Health (UP-NIH) , lumilitaw na ang unang kaso ng Lambda variant ay natukoy sa pinakahuling genome sequencing na isinagawa nila.

Ayon sa DOH, ang pasyente na dinapuan ng nasabing variant ay isang 35-anyos na babae na bina-validate pa kung local case o returning overseas Filipino (ROF).

Ang pasyente ay asymptomatic at nakarekober na matapos sumailalim sa 10-day isolation period.

Anang DOH, kasalukuyan na silang nagsasagawa ng back tracing at case investigation hinggil dito.

Ang Lambda variant ng COVID-19 ay unang natukoy sa Peru noong Agosto 2020.

Ito ay klasipikado bilang Variant of Interest (VOI) ng World Health Organization (WHO) noong Hunyo 14, 2021.

Anang DOH, ang natu­rang VOI ay may potensiyal na makaapekto sa transmissibility ng SARS-CoV-2 at kasalukuyang minu-monitor para sa posibleng clinical significance nito. -

Show comments