MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine Air Force na matatapos sa loob ng isang buwan ang pag-aanalisa sa flight data recorder o black box ng bumagsak na C-130 cargo plane sa Sulu matapos itong ipadala na sa Estados Unidos.
“In less than a month lang po siguro ang hihintayin natin for the black box to be analyzed,” Air Force Spokesman Col. Maynard Mariano.
Ayon kay Mariano, sa ngayon ay mahirap pang sabihin kung ano talaga ang sanhi ng pagbagsak ng C-130 Hercules cargo plane (5125) ng PAF hanggang hindi pa natatapos ang pag-aanalisa sa narekober na black box sa crash site.
“We are doing everything to fast track the investigation,” ayon sa opisyal kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa nangyaring trahedya.
Magugunita na bumagsak ang C-130 plane dakong alas-11:30 ng umaga noong Hulyo 4 matapos itong sumablay sa pag-landing sa runway ng Jolo Airport at dumiretso sa Sitio Amman, Brgy. Bangkal, Patikul kung saan tuluyang nahati at sumabog ang aircraft.
Sa nasabing insidente, 53 ang nasawi kabilang ang 49 sundalo at 3 sibilyan habang 51 naman ang nasugatan kabilang ang 47 pang sundalo.