MANILA, Philippines — Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Manila International Container Port (BOC-MICP) sa isang operasyon noong Biyernes ang nasa P38.1 milyon halaga ng mga puslit na sigarilyo.
Ayon sa BOC, ang shipment, na naglalaman ng 1,090 master cases ng sigarilyo, na may iba’t ibang brands gaya ng Marvel, Mighty, at Astro, ay naka-consigned sa Green Nature Alliance Ventures.
Sinabi ni Alvin Enciso, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), na ang naturang shipment ay isinailalim nila sa 100% physical examination matapos na isyuhan ng pre-lodgment control order (PLCO) ni MICP District Collector Romeo Allan R. Rosales.
Nabatid na sinimulan ng BOC ang implementasyon ng PLCO simula nang manungkulan si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Aniya, dapat itong gamitin bilang instrumento o tool para matiyak na ang tamang pamamaraan sa valuation ng mga goods ay naoobserbahan.
Ang MICP, na nananatiling nasa forefront ng border security sa bansa, ay nananatiling committed sa pagsusumikap na mapatigil na ang pagpasok ng mga smuggled goods.