MANILA, Philippines — Dahil na rin sa patuloy na mga panloloko na ginagawa ng ilang indibidwal sa mga delivery riders, na kabilang sa mga essential workers ng bansa ngayong panahon ng pandemya ay napakahalaga ang pagpapasa ng House Bill No. 5838 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act.
Ito ang sinabi ni Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Partylist Representative Eric Go Yap dahil simula pa lamang ng COVID-19 pandemic ay marami nang Pinoy ang umasa sa mga delivery services, upang magpadeliber sa kanilang tahanan ng pagkain at iba’t-ibang item na kanilang binili, at hindi na nila kailanganin pang magtungo ng personal sa mga tindahan upang makaiwas na mahawahan ng virus.
Gayunman, sa pagtaas ng demand sa naturang serbisyo ay naging easy target naman ang mga naturang delivery riders ng mga scammers na kung saan ay marami ang nagiging biktima.
Sa pamamagitan ng HB 5838 ay mas mapapabilis na ang pag-trace sa mga scammers para masiguro na wala ng delivery riders ang mabibiktima dahil ang bawat isang sim card ay nakarehistro na sa iisang tao na kung saan ay magagamit rin sa pagsugpo ng iba pang krimen katulad ng iba pang text scams.