MANILA, Philippines — Napatay ng mga pulis ang isang 18-anyos na lalaki na may attention deficit hyperactivity disorder (ADHD) matapos mabaril sa naganap na police operation kontra sa ilegal na tupadahan sa Valenzuela City, kamakalawa ng tanghali.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa ospital sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa tagiliran ay nakilalang si Edwin Arnigo, special education (SPED) student at residente ng Assumption Ville, Brgy. Lingunan.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente, alas 12:30 ng tanghali noong Linggo sa isang bakanteng lote sa Assumption Ville kung saan pinasok ng mga pulis ang tupadahan at nagtakbuhan ang mga tao.
Ayon kay Helen Arnigo, ina ng biktima, isang putok ng baril ang kanyang narinig at nang hanapin niya ang kanyang anak ay nakita niya itong duguan habang nakahandusay sa harap ng kanilang bahay.
Humingi ng tulong si Helen kay Mayor Rex Gatchalian para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak na umano’y binaril ng isang pulis na nakasibilyan.
Posible umanong napagkamalan ng raiding team na kabilang sa mga tumatakas na violators ang biktima.