MANILA, Philippines — Inihayag ni Philippines Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na wala pang naarestong mga Pinoy na kabilang sa mga nag-protesta sa US Capitol noong nakaraang linggo.
Sinabi pa ni Romualdez na ang natitiyak niya ay may dalawa o tatlong Filipino ang sumama sa protesta na nakunan ng may hawak na parang walis tambo.
Sa kabila nito, hindi naman naniniwala ang envoy na kabilang ang Filipino protestors sa pumasok sa mga tanggapan ng mga mambabatas sa Estados Unidos at sa opisina ni US House Speaker Nancy Pelosi.
Matatandaan na daan-daang protestors ang sumugod sa US Capitol noong nakaraang linggo para mapwersa ang mga mambabatas na bawiin ang pagkatalo ni President Donald Trump sa katatapos na eleksyon.
Ngayon ay naghigpit na umano ng seguridad ang US Capitol matapos ang nangyaring riot ng mga taga-suporta ni Trump.