MANILA, Philippines — Pinaigting na ng Philippine National Police (PNP) ang manhunt operations laban sa mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon na kilalang matataas na opisyal ng CPP-NDF (Communist Party of the Philippines–National Democratic Front matapos masentensyahan ng korte ng 40 taon na pagkabilanggo sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa apat na sundalo.
Ang direktiba ay inisyu ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas na sinabing panahon na para pagbayaran ng mag-asawang Tiamzon ang kanilang pagkakasala sa batas.
“Ito po ay makakatulong sa amin para sa susunod na mahuli namin sila ay hindi na sila puwede lumabas,” pahayag ni Sinas sa panayam ng mga reporters sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Sinabi ni Sinas na masaya ang pulisya at sa wakas ay nahatulan na rin ang mag-asawang Tiamzon pero tumangging magbigay ng detalye kung may lead ang pulisya sa pinagtataguan ng dalawa.
Ang mag-asawang Tiamzon ay hinatulang guilty ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 216 dahil sa paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code (RPC matapos ang naganap na pagdukot sa apat na sundalo sa lalawigan ng Quezon noong 1989.