MANILA, Philippines — Para pondohan ang rehabilitasyon ng mga Local Government Units(LGUs) na nahagupit ng bagyong Ulysses ay determinado si Sen.Panfilo Lacson na tanggalan ng pondo sa 2021 proposed national budget na inaprubahan ng House of Representatives ang mga tinukoy nitong corrupt-ridden at skeleton multi-purpose building projects.
Sinabi ni Lacson may P68 billion allocations ang natukoy nitong kuwestiyunableng proyekto sa inaprubahang budget ng Kamara, sa nasabing halaga ay isusulong nitong gamitin ang P20-B para pondohan ang rehabilitasyong gagawin ng LGUs.
Katwiran ni Lacson, tama lamang na gawin ang realignment dahil ang National Expenditure Program (NEP) ay nagawa bago pa man ang pananalasa ng bagyong Rolly, Quinta at Ulysses.
Maliban sa mga kuwestiyunableng proyekto na pinondohan sa P4.5 Trillion 2021 national budget ay una na ring ibinunyag ni Lacson ang hindi patas na hatian ng alokasyon sa mga infrastructure budget ng mga Kongresista na ang pinakamalaki ay mula sa distrito sa Davao, Benguet, Albay at Abra.
Matatandaan na sa naging House Speakership row kamakailan ay ginawang isyu kay dating House Speaker at Taguig Rep Alan Peter Cayetano ng mga kaalyado ni Marinduque Rep at ngayon ay House Speaker Lord Allan Velasco na sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ang hindi pantay-pantay na infrastructure allocation sa budget kung saan inakusahan ng mga ito si Cayetano na pinaboran ang ilang mga mambabatas.