MANILA, Philippines — Posibleng sa buwan na ng Enero 2021 magbukas ang klase sa Marikina City dahil magkakaroon din ng Christmas break.
Ito ang inihayag ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na una nang inanunsyo ang suspensyon ng klase hanggang December 16 o isang buwan.
Kasunod na rin ito ng matinding pinsalang hatid ng bagyong Ulysses sa lungsod na sa ngayon ay maraming bahay pa ang puno ng putik.
Sa ibang mga bahay ay aabot pa aniya sa hanggang tuhod ang putik na kailangang linisin.
Iniulat din ng alkalde na mahigit sa 50,000 pamilya ang napilitang lumikas ng kani-kanilang tahanan matapos na malubog sa malalim na baha at malaunan ay putik, ang kanilang mga tahanan.
Ang mga kalsada ay hindi pa rin madaanan at wala pa ring suplay ng kuryente ang may 9,000 tahanan doon.