Libu-Libong residente na-trap sa mga bubungan sa Cagayan

Apat na helicopter naman, ayon kay AFP-Northern Luzon Command Major Gen. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. ang idineploy nitong Sabado para magsagawa ng search, rescue, retrieval at relief operations sa Cagayan Valley. Naka-istasyon ang mga ito sa Cauayan, Isabela.
STAR/Michael Varcas, file

MANILA, Philippines — Dahil sa malawakan at matinding pagbaha, libu-libong residente ang na-trap sa mga bubungan ng kanilang mga taha­nan sa Cagayan Valley at Isabela, ayon sa ulat kahapon.

Dahil dito, minobi­lisa na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang puwer­sa nito para magsagawa ng SRR (Search Rescue Retrieval) operations sa Northern Luzon partikular sa Cagayan Valley na dumaranas ng malawakan at matinding pagbaha.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay, maliban sa Caga­yan ay nag-deploy rin sila ng mga sundalo sa Cordillera sa ilalim ng Joint Task Force (JTF) Tala.

Sa bayan ng Enrile, nasa 25,000 katao pa ang humihingi ng tulong para mai-rescue matapos ma-trap sa kanilang mga tahanan na karamihan ay nasa mga bubungan na habang sa Isabela ay nasa 11 tulay ang hindi madaanan at 275 na barangay ang nananatiling lubog sa tubig baha.

Apat na helicopter naman, ayon kay AFP-Northern Luzon Command Major Gen. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. ang idineploy nitong Sabado para magsagawa ng search, rescue, retrieval at relief operations sa Cagayan Valley. Naka-istasyon ang mga ito sa Cauayan, Isabela.

Sinabi rin ni PNP Spokesman Brig. Gen. Ildebrandi Usana na nagpadala na rin sila ng karagdagang tauhan at rescue equipment sa Cagayan, Isabela at karatig lugar na dumaranas ng malawakang pagbaha kabilang na ang pag-rescue sa mga residenteng na-trap sa bubungan ng kanilang mga tahanan.

Show comments