50 illegal settlers nailigtas sa bumagsak na pader

MANILA, Philippines — Nakaligtas sa posibleng kapahamakan ang nasa 50 illegal settlers na nakatira sa gilid ng isang abandonadong gusali makaraang bumagsak ang pader nito dulot ng matinding pag-ulan at malakas na hangin, kahapon ng madaling araw sa Ermita, Maynila.

Sa ulat na nakarating kay Manila Chief of Staff Cesar Chavez, pasado alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang pagguho ng pader ng gusali sa kanto ng MH Del Pilar St., at Santa Monica, Brgy. 668, Ermita. 

Nabagsakan ng mga debris ang mga bahay na iligal na nakatayo sa gilid ng gusali at na-trap ang mga nakatira. 

Agad nagkasa ng rescue operation ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office at Department of Public Service (DPS) katuwang din ang Manila Police District (MPD) at ang mga nailigtas ay dinala sa simbahan ng Archdiocesan Shrine of Our Lady of Guidance sa Ermita para kanilang masilungan habang humahagupit ang bagyong Ulysses.

Show comments