MANILA, Philippines — Umapela kahapon si 2nd District Quezon City. Rep. Precious Hipolito Castelo sa Bangko Sentral ng Pilipinas na ipagpaliban muna ang online bank transfer fees upang mabawasan ang mabigat na pasanin ng netizens habang nasa krisis ang bansa sa COVID-19 pandemic.
Sa inihaing House Resolution (HB) 1271 ni Castelo na pinuna ang ilang bangko at online money remittance platforms tulad ng Gcash at PayMaya na nagdesisyong magpataw ng fees simula nitong nakalipas na Huwebes.
Nagpasalamat naman si Castelo sa ilang bangko na nakinig sa kahilingan ng BSP na hindi muna maningil ng bayad hanggang katapusan ng taong 2020 o habang nakikipaglaban pa ang bansa sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Castelo na sa panahon ng pandemya ay maraming mga tao na umaasa sa online money transfers dahilan sa pamamagitan ng nasabing teknolohiya ay makakaiwas na magkahawaan sa COVID-19 lalo na sa face –to-face at over the counter na mga transaksyon.
Bagaman sumisingil lamang ng P 10 hanggang P15 kada transaksyon ay umaabot ito sa bilyong kita kada taon kung saan ang nagsasagawa ng transakyon sa online ay mismong ang mga bank depositors.
Binigyang diin ni Castelo na dapat obligahin ng BSP ang lahat ng mga bangko at mga financial intermediaries na tumalima sa direktiba na ipagpaliban muna ang paniningil sa online bank transfer.