MANILA, Philippines — Sa pagsisimula ng blended learning ng Department of Education ay tiniyak ni Philippine National Police Chief, Gen. Camilo Pancratius Cascolan na protektado ng Anti-Cybercrime Group ang mga online learner laban sa cyber bullying.
Inatasan na ni Cascolan ang ACG na imonitor ang mga online learner lalo pa at lantad ngayon ang mga mag-aaral sa networld o cyber space dahil ito na ang karaniwang medium na ginagamit sa pag-aaral.
Sinabi ng PNP Chief na bagaman wala pang reklamo silang natatanggap na online class related bullying, dapat aniyang agapan nila ang ganoong senaryo.
Dahil lantad sa cyberspace at maraming makakausap ang mga learner, hindi maiiwasan ang kulitan at asaran na posibleng mauwi sa bullying na maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa bata gaya ng pagkatakot, depresyon at pagkawala ng interes sa pag-aaral.
Kaya naman tiniyak ni Cascolan na kumikilos ang ACG para proteksyunan ang mga estudyante.
Pinaalalahanan din ni Cascolan ang mga magulang na ireport agad sa PNP-ACG sakaling makaranas ng cyber bullying ang kanilang mga anak na estudyante.