Duterte walang pangakong nasira sa pamilya Laude

Protesta sa DOJ patungkol sa kaso ni Jennife Laude.
JUCRA pool photo

MANILA, Philippines — Pinasinungalingan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang alegasyon ng pamilya Laude na sinira ni Pangulong Duterte ang pangako nito na manatili di umano sa kulungan si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton habang siya ang pangulo.

Ayon kay Sec. Roque, bilang isa sa mga da­ting abogado ng pamilya Laude ay wala siyang nalalaman na nagkaroon ng pagkakataong makaharap ng Pangulo ang nasabing pamilya.

Ang kaya lamang niyang kumpirmahin ay ang tulong-pinansiyal na ibinigay ng Pangulong Duterte sa pamilya Laude base sa pahayag na rin ni Ginang Julita, ina nang pinaslang na si Jennifer Laude.

Ayaw namang pag-usapan pa ni Sec. Roque ang bagay na ito dahil nagbilin aniya noon ang Pangulo na hindi nito nais pag-usapan sa publiko ang suportang pinansiyal na ibinibigay.

Sa ulat, ikinagulat ng pamilya ni Jennifer Laude ang naging desisyon ni Pangulong Duterte na pagkalooban ng absolute pardon ang dating Amerikanong sundalo na si Joseph Scott Pemberton.

Ayon sa kapatid ni Jennifer na si Michelle Laude, nangako pa noong una ang pangulo na susuportahan ang kanilang pamilya sa paglaban sa dating Amerikanong sundalo na pumatay sa kanilang kaanak.

Aniya, hindi rin nila inaasahan na mismong si Sec. Roque pa, na kanilang abogado, ang siyang naghayag na pinagkalooban ng absolute pardon si Pemberton.

Matatandaang sa ulat sa bayan ni Pangulong Duterte nitong Lunes, sinabi nito na hindi tinatrato ng patas si Pemberton at nararapat lang aniya na palayain ito dahil sa kanyang good conduct.

Show comments