MANILA, Philippines — Pinalagan ng More Electric and Power Corp (More Power) ang pahayag ng Panay Electric Company (PECO) na tumaas ang systems loss na sinisingil sa mga consumers sa Iloilo City.
Maging ang grupong Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) na kaalyado nito ay binatikos ng More Power sa umanoy sinabi na umabot sa 7.1% ang sinisingil na systems loss sa mga consumers na mataas sa 6.5% na siya lamang itinatakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ipinaliwanag ni More Power Spokesperson Jonathan Cabrera na ang systems loss computation ni KBK President Jose Allen Aquino ay ibinase umano sa maling formula na tanging generation charge lamang ang isinama sa kumpyutasyon na ang tama ay kasama maging ang transmission charge.
Kung susundan umano ang formula na ginamit ng KBK halimbawa sa billing ng noong Pebrero 2020 ay bubuwelta rin sa kanila ang kanilang akusasyon dahil lalabas na nasa 8.13% ang kanilang systems loss na mas mataas pa rin kaysa sa ipinalalabas laban sa More Power.
Ipinaliwanag ni Cabrera na mula nang magsimula ng operasyon ang More Power noong Pebrero ay nasa 6% systems loss lamang ang kanilang sinisingil sa mga consumers at bababa pa ito pagsapit ng 2021 na aabot na lamang sa 5.50% at sa 2022 ay 4.75%.
Mula noong Mayo 2018 ay nagtakda na ng system loss cap ang ERC na siya lamang puwedeng singilin sa mga consumers at ang sosobra sa itinakdang cap ay papasanin na ng mga distribution utility kaya’t pinagbubuti ng More Power ang kanilang distribution system at buong pasilidad at hinahabol ang mga gumagamit ng jumper upang hindi lumaki ang kanilang systems loss na ang kumpanya rin ang papasan.