MANILA, Philippines — Isang pulis-Pasay ang pinaiimbestigahan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano matapos na mag-viral sa social media ang video footage sa pagpapalayas at pakikipagtalo nito sa isang pamilya na hindi makabayad ng upa sa kanyang pinarerentahang bahay sa Pasay City.
Nabatid na ang uploader ng video ay isa sa miyembro ng pamilyang sangkot sa pakikipagtalo sa unipormadong pulis na naganap sa Brgy. 145 noon pang Abril 12, 2020, kung saan pinalayas umano sila dahil sa hindi makabayad ng renta ng dalawang buwan.
Ang nasabing panahon ay saklaw pa ng mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) at naisipan lamang na i-upload sa Facebook ang video nang hindi pumayag ang pulis na makuha nila ang kanilang mga gamit hangga’t hindi nababayaran ang utang sa renta.
“I immediately called Pasay Police chief, Col. Ericson Dilag, and directed him to investigate this matter, and undertake necessary measures on the involved policeman if the evidences and facts would merit it,” ani Mayor Emi.
Sinibak na ni P/Colonel Dilag ang pulis na kinilala lamang na isang “Sergeant Macuranay” base sa video na nakatalaga sa Sub-Station 5 ng Baclaran, para bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon.
Sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force at Department of Trade and Industry, binibigyan ng 30-days grace period ang renter sa panahon ng lockdown dahil sa kagipitan sa pera.