MANILA, Philippines — Balik-operasyon na kahapon ang mga airlines sa bansa para sa kanilang domestic flights sa mga general community quarantine (GCQ) areas matapos na aprubahan ito ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na kamakalawa ng gabi ay nagpalabas na si Secretary Carlito Galvez, chief implementer ng National Policy laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ng kautusan na pinahihintulutan na ang domestic commercial aviation. Gayunman, kinakailangan pa rin aniya na aprubado ito ng concerned local government units (LGUs).
“Kagabi po ‘yung Inter-Agency Task Force, ‘yung ating chief implementer, si Secretary Galvez, nag-issue na ng kasulatan at kautusan na kung saan ang sinasabi po niya allowed na ang domestic commercial aviation,” ani Tugade, sa panayam sa telebisyon. “Ang kailangan ho rito aprubado lang ng [local] government,” dagdag nito.
Nauna rito, ilang LGUs ang tumatanggi pang tumanggap ng domestic flights kahit nasa GCQ na ang kanilang lalawigan dahil sa pangambang mapasukan sila ng COVID-19 mula sa mga magdaratingang pasahero.