MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 40-anyos na state university professor matapos mahuling nagtutulak ng droga sa Brgy Aguiguican, Gattaran, Cagayan kahapon.
Kinilala ni Cagayan Police Director Colonel Ariel Quilang ang dinakip na suspek na si Roderick Paraiso, 40, English professor sa Cagayan State University sa bayan ng Gonzaga.
Ayon sa report, agad dinakma ng mga operatiba ang guro matapos tanggapin ang buy-bust money mula sa isang undercover agent na binentahan nito ng isang sachet ng shabu sa national highway dakong alas-11:00 ng umaga.
Ayon kay Quilang, isa sa mga naitalang high value at priority target ng mga awtoridad si Paraiso na isinailalim nila sa masusing pagmamanman.
Noong Biyernes, isa pang high value target na kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Benedict Carag, 34, ang natiklo sa pagtutulak sa bayan ng Solana, Cagayan.
Nakuha kay Carag ang tatlong sachet ng shabu at isang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana.