MANILA, Philippines — Upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 ay ipinagbawal ng Japan ang pagpasok ng mga turista mula sa may 111 bansa kabilang na rito ang Pilipinas.
Sa pahayag ni Prime Minister Shinzo Abe, kabilang sa mga bansang pinagbawalang makapasok ng Japan ay ang Pilipinas, India, Afghanistan, Argentina, Bangladesh, El Salvador, Ghana, Guinea, Kyrgyzstan, Pakistan, South Africa at Tajikistan.
Epektibo ngayong araw at mananatili pansamantala, ay nangangahulugan na ang foreign nationals sa mga nasabing bansa sa loob ng 14-araw ay hindi papayagang makapasok sa Japan.
Nauna nang naglabas ng travel advisory ang kanilang Foreign Ministry para sa 11 bansa at rehiyon noong nakaraang linggo dahil dito kaya umakyat na sa 111 ang sakop ng entry ban kabilang na rito ang Amerika, China,South Korea at karamihan ay Europe.
Maghihigpit din ang Japan sa kanilang mga boarder, kabilang dito ang pagsuspinde sa mga visa, at 14-day quarantine period para sa lahat ng darating kabilang ang mga Japanese nationals hanggang sa katapusan ng Hunyo.
Ang bilang ng mga dayuhang turista sa Japan ay bumaba simula ng maghigpit na isang malaking dagok sa isa sa maituturing na pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo.