MANILA, Philippines — Dahil sa pangunguna sa rami ng mga pasaway at bilang ng mga apektado sa COVID-19, isasailalim sa “total lockdown” sa loob ng isang linggo ang Brgy. Molino 3 sa Bacoor City, Cavite.
Simula ng Abril 24 hanggang Abril 30 ay ipatutupad ang total lockdown sa Brgy. Molino 3 at ipinagbabawal na lumabas sa kani-kanilang bahay ang mga residente dito.
Ayon sa Facebook page ng Cavite Connect at Bacoor City Health Office, napapaloob sa nasabing batas na ang lahat ng daanan at kalsada ng Barangay Molino 3 ay isasara at babarikadahan ng mga pulis.
Dadaan lahat sa checkpoint ang mga papasok sa barangay at hindi papayagang pumasok ang hindi awtorisadong residente dito kahit pa may mga kamag-anak na nakatira.
Magbibigay umano ng mga bagong quarantine ID pass ang barangay at ito ay limitado lamang.
Ipatutupad rin ang 24 oras na curfew at hindi papayagan ang lahat ng klase ng transportasyon sa barangay.
Ang mga pagkain, important supplies, gamot at iba pang mga pangunahing pangangailangan ay inaayos na para sa mga residente ng Barangay Molino 3 sa pamamagitan ng online market delivery, Mercury drug delivery system, Watsons, Mobile Palengke at iba pang mga rolling stores.