MANILA, Philippines — Agad nilinaw ng isang construction company na hindi nila inabandona ang mga empleyado ng kanilang subcontractors, na naistranded sa isa nilang proyekto sa Pasig City, matapos na abutan ng ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon ng pamahalaan dahil na rin sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ng CE Construction, na siyang general contractor ng One Filinvest and Exchange Square, na simula pa lamang ng ECQ noong Marso 16 ay sinimulan na nila ang pag-asiste sa mga ito kabilang na dito umano ang pagbibigay ng pagkain, suweldo at iba pang pangangailangan ng mga manggagawa.
Tiniyak din ng pamunuan ng CE Construction na patuloy nilang tutulungan ang kanilang mga manggagawa sa buong panahon ng pandemic at hanggang sa tuluyan nang magpasya ang pamahalaan na alisin na ang ECQ sa bansa.
Magugunita na hinatiran ng food packs ni ACT-CIS Cong. Niña Taduran ang mahigit sa 200 na obrero sa kanilang construction sites sa Ortigas, Pasig City at pinag-aaralan pa na kasuhan ang kumpanya ng pag-aabandona.