MANILA, Philippines — Dahil sa umano’y paglabag sa guidelines para sa enhanced community quarantine (ECQ), na ipinaiiral ng pamahalaan dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ay inisyuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng Show Cause Order (SCO) ang tatlong gobernador at dalawang alkalde na hindi muna pinangalanan ni DILG Secretary Eduardo Año.
Binigyan ng 48-oras ang mga opisyal upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat na sampahan ng kasong administratibo dahil sa umano’y posibleng kapabayaan at dereliction of duty, at paglabag sa Bayanihan Act to Heal As One Act.
Nagbabala rin si Año sa mga naturang lokal na opisyal na kung mabibigo silang maghain ng paliwanag ay magreresulta ito sa otomatikong paghahain ng kasong administratibo laban sa kanila sa Office of the Ombudsman.
Nanindigan din ang kalihim na ang anumang paglabag sa quarantine directives na inisyu ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at ng DILG ay hindi nila mapapalampas, dahil ang punto aniya ng lahat ng mga naturang national policies ay upang matiyak ang pagkakaisa, pagtutulungan at kaayusan sa buong bansa, sa panahon ng COVID-19 crisis, na nangangailangan din ng full cooperation at pagtalima ng mga local government units.
Maaari rin aniyang maharap ang mga opisyal sa kasong kriminal mula sa National Bureau of Investigation (NBI) ng Department of Justice.
Tiniyak din ng DILG secretary na marami pang lokal na opisyal silang sasampahan ng show cause orders sa mga susunod na araw.