DOH ikinokonsidera ang traditional Chinese medicine vs COVID

MANILA, Philippines — Maging ang Chinese traditional medicine ay ikinokonsidera na rin ng Department of Health (DOH) na makakatulong sa pag-aaral sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19).

Ito sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa katanungan kung bakit may kasama sa 12 Chinese doctors na eksperto sa traditional medicine.

“Kasali ang Pilipinas sa solidatiry trial ng World Health Organization sa isang internasyunal na pag-aaral sa mga gamot na maaaring magbigay-lunas sa sakit.  Kagaya ng ibang complimentary medicine, tinitignan rin ang gamit ng traditional Chinese medicine laban sa COVID-19,” ayon kay Vergeire.

Bukod dito, apat sa 12 doktor na dumating sa Pilipinas ay mga eksperto naman sa “critical medicine” na inaasahang malaking tulong sa pagtrato sa mga pasyente na malala o kritikal ang kondisyon.

Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi aktuwal na manggagamot kundi magbibigay lamang ng kanilang ekpertong payo ang mga Chinese doctors base sa kanilang karanasan sa Wuhan. Iikot ang mga doktor sa iba’t ibang pagamutan ng DOH na tumatanggap ng COVID patients at mananatili sa bansa hanggang Abril 19.

Show comments