83% ng mga PUIs negatibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Nakapagtala ng 83 porsyentong negatibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang Department of Health (DOH) sa mga persons under investigation (PUIs) na sumailalim sa tests ng kanilang mga laboratoryo sa buong bansa.
Nasa 3,246 ang nagpositibo sa 19,585 indibiduwal na isinailalim ng DOH sa COVID test nitong nakaraang Linggo.
Sa kabuuan, may 23,678 tests na ang ginawa ng DOH kabilang na ang mga repeat tests para sa mga naunang nagpositibo sa virus at sa mga naunang hindi konklusibo ang resulta.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na maghihintay pa ang kagawaran ng apat o limang araw para may sapat nang datos para mabatid kung umabot na o kailan aabot sa “peak” o sukdulan ang bilang ng nahahawa ng virus sa bansa.
“Kailangan natin ng sufficient epidemiological data ng COVID-19. Kasi nga, ‘di ba, nagkaroon tayo ng malaking kakulangan sa testing so hindi pa ganoon kalinaw yung tunay na litrato ng COVID-19 sa Pilipinas,” ani Duque.
Napansin na pababa ang numero ng tinatamaan ng virus kung saan mula sa 538 nitong Marso 31 ay bumaba ito sa 322 nitong Abril 2 habang ang datos mula Abril 3-5 ay hindi lumalagpas sa naturang pinakamataas na bilang.
- Latest