Nagpa-imbestiga kay Leni sa NBI, sinibak ni Duterte
MANILA, Philippines — Kasabay ng kanyang televised message, sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang commissioner ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na si Manuelito Luna dahil sa paghirit na imbestigahan ang ginagawang pagso-solicit ni Vice President Leni Robredo na ginagamit sa pagtulong sa mga naapektuhan ng COVID-19.
Sa kanyang mensahe sa mga mamamayan, sinabi ng Pangulo na agad niyang sinibak sa puwesto si Luna nang marinig na gustong paimbestigahan ang ginagawang paghingi ng tulong ni Robredo sa pribadong sektor.
“Ngayon, ito naman may tao ako na abogado sa PACC, Commissioner Manuelito Luna, gusto niya na ipa-imbestiga si Leni kung bakit nag-solicit. Anak ka ng...Kaya ako nung narinig ko, sabi ko, ‘Fire him.’ As of this moment, he is no longer connected with government,” sabi ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na walang mali sa ginagawang paghingi ng tulong ng bise presidente.
Inamin ng Pangulo na may mga panahon na binabatikos niya si Robredo pero sa pagkakataong ito ay wala siyang nakikitang mali sa ginagawa nito.
Nagbanta pa ang Pangulo sa National Bureau of Investigation na tinawag niyang ignorante na isasali sa dismissal kung iimbestigahan si Robredo.
Related video:
- Latest