MANILA, Philippines — Hiniling ni Quezon City Rep. Precious Castelo sa mga operatiba ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation (NBI) na arestuhin ang mga profiteers at hoarders ng mga Personal Protective Equipment (PPE) na nagsasamantala sa gitna na rin ng krisis sa COVID-19.
Ginawa ni Castelo ang pagkalampag sa PNP at NBI sa gitna na rin ng pagbubulgar ng Lung Center of the Philippines (LCP) sa tubong lugaw na presyo ng PPE na mula sa dating P 500 ay ipinagbebenta na ito sa black market sa halagang P 3,000.00.
Sinabi ng mambabatas na madaling matutukoy ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang mga tiwaling negosyante na sangkot sa overpricing ng PPE.
Base sa reklamo ng mga opisyal ng Lung Center of the Philippines, bagaman may mga nabibiling PPE para mabigyan sila ng proteksyon na mahawa sa COVID-19 ay anim na beses na mataas ang presyo nito sa orihinal na halaga.
Sinabi pa ng kongresista na dapat kumpiskahin ang mga PPEs na overprice at i-donate na lamang ng gobyerno sa mga ospital na nangangailangan nito.
Ayon pa sa pamunuan ng Lung Center of the Philippines na ang kanilang stock ay hanggang Marso 30 na lamang itatagal habang ang Philippine General Hospital ay kinakapos na rin sa magagamit na mga PPEs.