MANILA, Philippines — Nakakalap ang grupo ng mga negosyante ng P1.5 bilyon para sa “Project Ugnayan” upang gamitin sa pamamahagi ng mga ‘grocery vouchers’ sa mga mahihirap na pamilya sa Metro Manila.
Sa statement na ipinost online, target ng ‘Project Ugnayan’ na makapamahagi ng P1,000 ‘gift certificates’ sa may isang milyong kabahayan sa mahihirap na komunidad sa malaking bahagi ng Metro Manila.
Ang ‘Project Ugnayan’ ay sa inisyatibo at pakikipagtulungan ng business groups sa kooperasyon ng Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) na makakalap ng pondo upang masuportahan ang pamahalaan na matugunan ang mga pangangailangan ng mahihirap na pamilya na hindi makapagtrabaho dahil sa ‘Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila.
At bilang pagsunod sa ipinatutupad na ‘social distancing’ ang ipapamahaging mga ‘gift certificates’ ay idedeliber ‘door to door’ sa tahanan ng mahihirap na pamilya na maaaring gamiting pambili ng mga kinakailangan nilang mga pagkain sa mga groceries at supermarkets.
Ang grupo ng mga negosyante na umayuda at sumuporta sa Project Ugnayan (in alphabetical order): Aboitiz Group, ABS-CBN/Lopez Group, Alliance Global/Megaworld, AY Foundation and RCBC, Ayala Corporation, Bench/Suyen Corp., Century Pacific, Concepcion Industrial Corp, DMCI, Gokongwei Group of Companies/Robinsons Retail Holdings, ICTSI, Jollibee, Leonio Group, Mercury Drug, Metrobank/GT Capital, Nutri-Asia, Oishi/Liwayway Marketing Group, PLDT/Metro Pacific Investments Corporation, Puregold, San Miguel Corporation, at SM/BDO, Sunlife of Canada.
Ayon sa grupo, may mga nakakausap na rin umano silang mga kompanya na nagpahayag ng intensiyon.