MANILA, Philippines — Dalawang barangay health workers (BHW) ang nasawi habang dalawa pa ang nasa ktitikal na kondisyon makaraang suwagin ng isang 10-wheeler truck ang community quarantine checkpoint ng COVID-19 sa Sayre highway, Camp 1 Maramag, Bukidnon nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jomalyn Buhayon at Margie Maribao; pawang dead-on-arrival sa Bukidnon Provincial Hospital.
Kapwa namang nasa kritikal na kondisyon sa nasabing pagamutan sina Brgy. Kagawad Aldren Gaitera at Beth Lumanca.
Sa ulat ni P/Col. Roel Lami-ing, provincial director ng Bukidnon Police nangyari ang trahedya sa inilatag na Community Quarantine Control Point sa kahabaan ng Sayre highway, Camp 1, Maramag ng lalawigan dakong alas-11:50 ng gabi. Kasalukuyang tumutulong ang mga biktima sa pagpapatupad ng community quarantine nang sila ay suwagin ng humahagibis na 10-wheeler truck (MDX-119) na minamaneho ni Jemuel Ompoc, 24 anyos.
Ang nasabing truck ay puno ng kargang tubo patungong Don Carlos, Bukidnon galing Crystal Sugar Milling Company sa Purok 9, Maramag ng lalawigan.
Samantalang matapos araruin ng truck ang checkpoint, nabangga rin nito ang nakaparadang kulay itim at puting Honda XRM motorcycle, isang kulay pulang Honda XRM at multicab van (ABV-5293) na nasa 150 metro mula sa checkpoint.
Tinangka ng driver ng truck na tumakas matapos tumalon sa behikulo pero hinabol ng Maramag MPS personnel at mga barangay tanod kaya naaresto.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nakainom ng alak ang driver ng truck na nagbunsod sa trahedya.