MANILA, Philippines — Sa gitna ng krisis ng COVID-19 sa bansa umapela si Senador Bong Go sa Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawigin pa ang pagbabayad ng income tax returns (ITR).
Apela pa ng Senador sa DOF at BIR na ikonsidera ang isang buwang extension sa paghahain ng ITRs at depende pa rin sa kung hanggang saan ang sitwasyon ng coronavirus.
Anya, dapat magtulungan sa panahon ngayon at mapagaan ang pasakit ng taumbayan at magmalasakit tayo sa bawat Pilipinong apektado.
Giit pa nito na dapat bigyan ng palugit ang mga kababayan natin ngayon dahil halos wala na silang kita o kabuhayan ng isang buwan at hindi nila alam paano pakakainin ang pamilya at hindi rin alam kung hanggang kailan magtatagal ang krisis at pagkatapos ay dadagdagan pa ng isipin at asikasuhin dahil sa tax requirements.
Hinikayat din ni Go ang gobyerno na maging balanse sa pagtingin sa interest ngayong panahon ng krisis at bagamat magkakaroon ng epekto sa koleksyon ng gobyerno, ngayon na umano ang tamang panahon para magpakita ng malasakit sa kalagayan ng mga Filipino.
Malinaw din umano ang nakasaad sa section 53 ng National Internal Revenue Code na ang BIR commissioner ay may “meritorius cases” para magbigay ng reasonableng pagpapalawig ng oras para sa paghahain ng income tax. Ang deadline ng paghahain ng ITRs ay sa Abril 15.