MANILA, Philippines — Inaresto ang isang 39-anyos na ginang nang mag-‘panic buying’ sa isang kilalang supermarket nang wala naman palang planong magbayad kamakalawa ng gabi sa Brgy. Rosario, Pasig City.
Ang suspek na kakasuhan ng shoplifting ay kinilalang si Edrose Velasco, 39, residente ng naturang lugar.
Sa ulat ng Pasig City Police, alas-7:15 ng gabi nang magtungo ang suspek sa supermarket na matatagpuan sa Ortigas Extension, Brgy. Rosario na namili ng mga goods na umaabot sa P4,665.75 dahil sa panic buying na agad isinilid sa dalang shoulder bag.
Sa halip na magbayad ay dumiretso lumabas ng tindahan na lingid sa kanyang kaalaman ay minamasdan na siya ng isang security guard kaya’t kaagad siyang sinundan at sinita.
Nang walang maipakitang resibo sa mga grocery items ay kaagad itong binitbit sa pulisya.