MANILA, Philippines — Aprubado na sa Kongreso ang panukalang batas na maglalayong ibalik sa national governtment ang pamamahala sa Benguet General Hospital (BGH) sa La Trinidad.
Ito ang inihayag kahapon ni Benguet Legislative caretaker at ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap, na siya ring may akda ng House Bill 6171, o Re-nationalizing the BGH na ang layunin ng panukala na maibalik sa direktang pamamahala ng Department of Health ang naturang ospital.
“Magandang balita ito para sa mga kababayan natin sa Benguet. Konting hakbang na lamang ay maisasabatas na ito. Malapit na nating matiyak ang magandang serbisyo ng ospital para sa mga taga-Benguet,” ayon kay Cong. Yap.
Sa ilalim ng panukala, gagawing 400-bed capacity ang ospital at dadagdagan ng pondo para makabili ito ng mga makabagong kagamitan.
Kasama rin dito ang kumpletong mga benepisyo ng health workers na nagtatrabaho sa naturang ospital, magandang pasilidad at iba pa na mapapakinabangan ng mga residente ng Benguet.