MANILA, Philippines — Hiniling ni Kabayan partylist Rep. Ron Salo na igawad na ang kaparusahan kay Albert Aguirre at iba pang sangkot sa mistulang scam sa Banco Filipino Savings and Mortgage Bank Inc.
Matatandang nagsampa sa Department of Justice Task Force on Financial Fraud ng kasong criminal ang Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC) laban kay Aguirre at ibang opisyal ng nasabing bangko dahil sa kuwestiyonableng pagbabayad ng hindi bababa sa P700-M sa mga “legal firms” nang walang kontrata o supporting documents noong panahon na nalulugi ang nasabing bangko.
Bukod kay Salo, sinabi rin nina Senior Citizen partylist Rep. Francisco Datol at Patrol partylist Rep. Jorge Bustos na hindi dapat itinotolerate ang mapagsamantala at maanomalyang gawain ng mga sangkot.
Nasa 62 sangay ang Banco Filipino nang matake-over ito ng PDIC at dito nadiskubre na nagbayad ang bangko ng P255.9 milyon sa isa pang law firm kung saan partner ang isa sa mga director ng nasabing bangko.
Dati na ring nakasuhan ng syndicated estafa ng PDIC sina dating Banco Filipino vice chair Albert Aguirre, dating chair at president Teodoro Arcenas at 31 iba pa dahil sa paggastos ng P669.6 milyong pera ng mga depositor para sa mga biyahe nila abroad. Inaasahan ng iba pang mambabatas na mabibigyan ng katarungan ang mga depositors at ang iba pang naapektuhang mamamayan sa ginawang gusot ni Aguirre.