MANILA, Philippines — Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng AWOL na sekyu na nang-hostage ng mahigit sa 10-oras sa 30 staff ng Virra Mall sa Greenhills Shopping Center, San Juan City, kamakalawa.
Ayon sa pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ang sekyu na si Archie Paray, 31, may-asawa ay nahaharap sa kasong frustrated murder, grave coercion,grave threat, illegal possesion of explosives at illegal possession of firearms.
Nabatid kay P/Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan Police,sa kanilang imbestigasyon ay hindi lisensiyadong security guard si Paray dahil wala itong rekord sa Camp. Crame.
Pinabulaanan naman ni Paray at sinabing siya ay registered na security guard sa Supervisory Office on Security and Investigation Agencies ng Philippine National Police (SOSIA-PNP) at hindi siya makakapasok sa loob ng mall kung wala siyang ID bilang security guard.
Ayon sa suspek na hindi siya nagsisi sa kanyang ginawa dahil naiparating niya ang nais niyang sabihin hinggil sa umano’y katiwalian at hindi patas na pagtingin ng mga opisyal ng mall sa mga manggagawang nasa mababang posisyon.
Balik na rin sa normal ang operation ang Greenhills Mall kahapon na nagbukas ng alas-10:00 ng umaga matapos ang mahigit 10-oras na hostage drama kamakalawa.
Nasa stable na kundisyon na rin sa ospital ang binaril ni Paray na si Ronald Velita, officer-in-charge (OIC) na security guard ng naturang mall.