Miyembro ng ‘akyat bahay’napatay ng sekyu
MANILA, Philippines — Isang pinaniniwalaang notoryus na miyembro ng Akyat Bahay gang ang napatay ng sekyu matapos pagnakawan ang isang tahanan sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat, alas-12:05 ng madaling araw ay nakatanggap ng tawag sa telepono sa main gate sina Roy Roman Tenorio, 38; at tinukoy sa pangalang Daluyong; pawang mga security guard na nakatalaga sa Filinvest 2 Subdivision, Brgy. Batasan Hills, Quezon City mula kay Sunshine Perez na ipinabatid na pinasok sila ng Akyat Bahay.
Ilang saglit pa ay isa pang residente na kinilala namang si Espi Calubaquib ang nagreport na ninakawan din sila ng hindi pa nakilalang akyat bahay ng P 2,000.00 cash at dalawang cellphones.
Agad na sinuri ng dalawang guwardiya ang CCTV recording at mula rito’y nakita ang deskripsyon ng suspek.
Bandang alas-4:00 naman ng madaling araw habang nagsasagawa ng roving patrol si Tenorio nang maispatan ang suspect na kahina-hinalang gumagala sa Baker Street at ng sitahin ay akmang hahambalusin ng tubo at sasaksakin ang nasabing sekyu.
Nagawang makaiwas ni Tenorio na agad binunot ang kanyang cal 9 Mm service pistol pero nakipag-pambuno rito ang suspect hanggang sa pumutok ang baril na tumama sa kanang hita ng tumatakas na suspect.
Hinabol ng dalawang sekyu ang duguang suspect na namatay malapit sa no. 34 Doña Juliana Street ng nasabing subdibisyon at narekober ang dalawang nakaw na cellphone at isang balisong.
- Latest