MANILA, Philippines — Umakyat na sa 2,000 ang bilang ng mga nasawi sa China dahil sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) matapos makapagtala ng 132 na bilang ng mga bagong nasawi sa Hubei province.
Batay sa pinakahuling update, iniulat din ng health commission ng lalawigan ang bagong 1,693 na kaso ng mga taong natamaan ng virus.
Dahil dito, lampas 74,000 na ang bilang ng mga kaso sa mainland China.
Karamihan sa mga kaso ay nagmula sa Hubei kung saan nagsimula ang coronavirus noong Disyembre bago kumalat.
Bahagyang tumaas ang bilang ng mga kaso ngayong araw kumpara nitong Martes dahil ito ang pinakamababang naiulat na bilang sa isang linggo.
Ayon sa pag-aaral na inilabas ng mga opisyal ng China, karamihan sa mga pasyente ay mayroon lamang mild cases ng virus.
Bumababa naman ang bilang ng mga bagong kaso sa labas ng Hubei at sinabi ng national health authority ng China na senyales ito na nasa ilalim na ng kontrol ang outbreak.
Sinabi ni Chinese Presidente Xi Jinping sa isang tawag kasama ang prime minister ng Inglatera na nakukuha ng bansa ang “visible progress” sa hakbang na isinasagawa nito, ayon sa state media.
Ngunit katuwiran ng World Health Organization, masyado pang maaga para masabing patuloy sa pagbaba ang bilang ng mga kaso.