MANILA, Philippines — Hawak na ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) ang apat na Chinese national at isang Pilipina habang lima pa ang pinaghahanap para pananagutin sa pagdukot sa kanilang kababayan na ipinatubos ng P400,000 sa Pasay City noong Pebrero 13, 2020.
Iniharap sa media nina NBI spokesman Ferdinand Lavin at Deputy Director for Investigation Vicente De Guzman III ang mga suspek na sina Dong Daheng, Lu Lihui, Zhang Xiaolin, Ye Jintao at Filipina na si Ann Michelle Del Rosario Melendez.
Nag-ugat ang pag-aresto nang dumulog sa NBI ang Chinese national sa tulong ng live-in partner nito na kapwa ’di ibinunyag ang pangalan matapos ang insidente ng pagdukot sa biktima noong Pebrero 11, 2020 sa isang hotel sa Newport Manila, Pasay City.
Habang nasa Davao ang nobya nito ay pinatawag ng mga suspek sa kaniya ang biktima para magdala umano ng P400,000 para siya pakawalan. Hindi umano alam ng biktima kung nasaang lugar siya dinala dahil blindfolded siya. Nang makarating sa Maynila ang nobya ay nag-video call ang biktima na nakita niyang nakaposas kaya agad siyang nakipag-ugnayan sa kapatid ng biktima na sinamahan niyang nagdala ng pera sa casino-hotel sa Pasay City.
Habang nasa counter ng hotel ay nilapitan sila ni Ye Jintao at inutusang ideposito ang salapi sa account ng isang Hu Hinhai at alas 10:00 ng gabi ng Pebrero 13 din ay pinakawalan na ang biktima malapit sa Villamor Airbase.
Pebrero 14 nang samahan ng NBI-SAU operatives ang biktima at live-in partner nito sa casino-hotel at namataan sina Daheng, Lihui at Xiaolin at si Melendez na nagpakilalang nobya ni Daheng.
Kinabukasan (Peb. 15) si Jintao naman ang inaresto sa isang hotel sa Pasay City.
Isinailalim na sa inquest proceedings sa kasong kidnapping at serious illegal detention ang mga suspek sa Pasay Prosecutor’s Office.